SILUWET
10.03.09
Naging mission ko mula nung nakabalik ako dito sa ibayong dagat na hindi magtira ng kahit isang pirasong kanin sa platong kinakainan ko, bukod sa nagtitipid, simbolo ng sakripisyo at pagmamahal, kaya kalimitan medyo dramatic lagi kapag kumakain ako. Nasabi ko kasi ansarap ng kain ko kaninang tanghali, napadami nga ang kain ko ng kanin, yun bang tipong hanggang sa kahuli hulihang butil ng kanin kinain ko. Tinext ako ng Inay, kung ano daw ulam ko. Text back ako:
“Corned Beef tsaka ketsup ulam ko, sarap!. Hehe”
Muwal na muwal akong kumakain nang tumawag ang inay ko. Aba aba, maraming load. Naisip ko kagad ang iniisip ng inay, gusto nya akong I cheer up, kasi naaawa yun sa akin pag yun lang kinakain ko, Ang inay talaga, hindi na nasanay sa akin, alam naman nyang sanay sa hirap ang anak nya nag aalala pa.
Marami kaming napag-usapan. Bibili daw ng videoke ang tiyuhin kong taga Germany at gagawing paarkila parang negosyo ba. Mahilig kasi talaga sa musika ang pamilya namin. Tapos si Mandy yung pamangkin ko, hmmm ang term ng inay ko, “NAKAKALOKA” na daw, haha. Base sa translation ng brain ko ang ibig sabihin non, gusto na rin nyang magkaapo. Nasabi din nya na mag-aasawa na ang Ate Nene, 28, sa isang 41 years old teacher din. Ang biro ng Inay “wag na nyang palampasin ito at baka hindi na sya makahanap ng iba…”.
Kilala nya si LUCIAN, yung arabong kaibigan ko. Tinanong nya kung bakit hindi ko na palaging kasama… At ang nakakalokang linya nya:
“Bakit break na ba kayo? Nakahanap na ba ng iba?”
Ang sabi ko na lang, “ibrineak ko na”, sabay tawa.
Naalala ko tuloy ang sinabi Bob Ong:
“Huwag kang malulungkot kung ang taong mahal mo ay hindi ka mahal,
Dahil may nagmamahal sa iyo na hindi mo rin mahal, kaya patas lang…”
At yung text na:
“When somebody doesn’t love you the way you want them to, doesn’t necessarily mean that they don’t love you with all they have…”
Sa istorya kasi namin ni Lucian, may mga string ako na pinutol between us, masakit for him siguro. Pero I have to do that para hindi umaasa, were still friends na hanggang dun lang talaga…
Kumbaga, ang buhay ko dati… nagtatayo ako ng tulay, isang maigting na tulay para sa taong mahal ko, ang tulay na hindi kailanman matatawid ng taong pinaglaanan ko niyon. Mali siguro ang pagkakaintindi ko ng mga bagay bagay dati. Sa ngayon nawawala ang direksyon ng aking kinabukasan, para akong teleponong na ka hang o kaya isang kotseng tumatakbong walang nagmamaneho. Ganun katindi.
Tatlong teka, as in teka teka teka
Medyo napapalayo ako sa topic, hehe
Mabalik tayo sa araw ko.
Paglabas ko ng kwarto, galing sa aking pagmumuni muni, aba aba aba… Tanghaling tapat, pero ang dilim… Ang naaninag ko lang sa bintana ay ang kulay Yellow orange, ang nasambit ko lang ay “Oh God” kinabahan ako akala ko magugunaw na ang mundo… buti na lang nang makalabas ako sa pinto ay isang napakatuminding sandstorm lang pala. Kinabahan ako sobra...
Habang nagtatatakbo ako pabalik sa building na pinagtatrabahuhan ko, at habang winawasiwas ako ng hanging may dalang napakadaming alikabok, hindi ko masyadong makita ang daan, inuubo ako sa tindi ng hagupit ng alikabok sa mukha ko, napupuwing ako at napapapikit sa hapdi na dulot ng lupang nagkaroon ng pakpak. Nasabi ko na lang sa sarili ko na ganito siguro mailalarawan ang estado ng buhay ko ngayon, walang kasiguraduhan, blurred. Ngunit sa kabila ng lahat, sa dako pa roon may isang pigura ng taong naghihintay sa akin, medyo blurry pa nga lang, silhouette ng taong magbibigay muli ng direksyon sa buhay ko. Malamang kakilala ko na siya o isang estrangherong hindi ko pa nakilala, who knows, baka siya na ang sagot sa aking mga dasal… at malay natin baka sabihin nya pag nagkatagpo na kami:
“you are my answered prayer”
Nakow, destiny. J
---
Sa wakas nakakahinga na ulet ako ng maluwag. After ng pinagdaanan ko ngayong araw, matapos suungin ang napakatuminding sandstorm, isa lang ang masasabi ko:
Masarap mangulangot. Thank God for our Pinkies!
Antagal ko ring nawala. Namimiss ko ring magsulat, kaso, hindi ako makabuo ng kung anumang dapat mabuo kasi, pag nakaka isang talata na ko binubura ko ulet. Kase puro kasinungalingan lang at kabulastugan ang nasusulat. Kaya itigil na lang at wag nang mag atubili pa. pero mukhang ginaganahan ako ngayon.
Napatunayan ko na mahirap magpanggap na masaya ha, nung panahong malungkot, well lungkot lungkutan pa rin naman hanggang ngayon, pero carry na. yung mga tao na palagi daw nakatawa at pangiti ngiti lang, yun yung mga delikadong tao na dapat layuan, tulad ko siguro,. Mga taong andaming angst na tinatago, ah ewan basta ako, tao lang.
Habang pinagpipira-piraso ko kanina ang mga kesong I tetest ko sa laboratory kanina, putsa naiyak ako. Wala namang kemikal ang kesong iyon na tulad ng sa sibuyas, ano nga ba ulet iyon, Isothiocyanate yata, nalimutan ko na. Nakakahiya, syet , nasa likod ko lang yung kasamahan ko sa trabaho. Isa lang ang masasabi ko si Claudine Baretto ang dahilan.
---
Bakit nga ba tayo umiiyak? ang isa sa pinakamagandang kasagutan ay yung isang eksena sa LOBO, hinding hindi ko malilimutan. Eksena yun ni Diether Ocampo at nung batang pag laki ay si Agot Isidro na ina ni Angel Locsin. Anyway eto yung gist ng eksenang yun: Aalis kasi at iiwan na ni Diet ang pamilya nya, kasi nga hinahunting sya, tapos nagpapaalam na siya sa anak nya habang umiiyak ang pobreng si Diet, tanong ng anak: bakit daw umiiyak yung tatay nya. Ang sagot: dahil sa sobrang pagmamahal ay hindi na macontain sa katawan kaya lumalabas na lang bilang luha.
yun yun, :(
---
Eto mabalik tayo kay Claudine. Naiinis ako kay Claudine Barretto ha. Bakit? Hindi isa, hindi dalawa, kundi tatlong beses na nya akong pinaiiyak. Una yung pelikulang ANAK nila ni Ate Vi, syempre todo relate tayo dun kasi nga OFW tayo o yung walang kamatayang sinasabi sa TFC na mga bagong bayani kuno, in fairness isa ako dun. Ikalawa yung Ending ng Got To Believe na hindi ko pa ever napapanood ng buo, puro ending lang naabutan ko, syempre todo cry kasi buti pa sila nagkatuluyan. At ito pa ha, nung isang gabi MILAN naman ang palabas. Talagang Climax kung climax ang drama anthology ng buhay ko. Nakakainis kasi, ayaw ko nang umiyak, kasi ubos, empty, hollow, nada - na ako. Wala nang matitira sa akin, kung iiyak pa ako ng balde balde at wala namang nag iigib “MULA SA POSO” eh saan ako pupulutin, sa kangkungan? In fairness namimiss ko na ang gulay na kangkong.
Habang nag da dayalog si Claudine nang “Mahal mo ba ako dahil kailangan mo ako, o kailangan mo ako kaya mahal mo ako…” syempre todo iyak, with matching labas ang sipon ang pobreng binata. Oh e di iyak kaming tatlo nila Piolo, napahagulgol ako lalo nang napalingon ako sa cabinet ng food supply ko, pusang gala talaga, oo, Pancit Canton na naman ang ulam ko, sambit ko sa sarili ko, choice ko naman na magpakamiserable ang buhay, sanay na sanay na ako mula pagkabata, sus, super hagulgol lang ako kasi, ako na lang ba lagi ang nagbibigay, sila na lang ba lagi ang nangangailangan… Buong buhay ko kaya kong ibigay, at naialay ko na yata talaga lahat, ang mga ibedensya: ang mga pancit canton, butas na bulsa, tuyong luha, nagpapakabatong puso, kumakalam na sikmura, at nagpapakadramang buhay OFW, minsan hindi na ako makahinga.... Pero ok lang, walang dapat ipag alala dahil STRONG ang lolo Mink, hindi ever sumusuko. Nakakapagod lang minsan, pagod na pagod na ako sa pagbibigay ng pagmamahal, ganun pa man hindi ako titigil hanggat may napapasaya ako at natutulungan kasi, ani nga ni Claudine: “Dahil anak ako, kapatid ako, kamag anak ako, Kaibigan ako…” Kailan ko kaya maidadagdag ang linyang “KASI BOYFRIEND AKO”?. Charot.
Balik tayo sa threesome namin nila Piolo at Claudine, Eh di hagulgol ang kawawang mga artista… buti mag isa lang ako sa kwarto at naka lock ang pinto, nakakahiya kaya itsura ko, kaya minsan ayaw kong manalamin, ansagwa kasi, tsaka nahihiya ako sa sarili ko, ayaw kong makita ang sarili ko, kasi baka sampalin ko ang sarili ko bigla. Pero pag napapatitig ako sa salamin minsan, humahaba na kasi ang hair natin lately, kaya kelangan manuklay, yung bang choices mo palagi araw araw eh maging mukhang mangkukulam o magmukhang aswang, no choice talaga. Any how pagtingin ko lagi sa salamin… ibang tao ang nakikita ko. Isang taong malakas, nakangiti, gwapo (naman) at mabait. Hindi ikaw ako, sabi ko sa kaharap ko. Mahina ka kasi uto-uto ka, Plastik kang walanghiya ka kasi hindi mo masabi ang tunay mo talagang nararamdaman. Selfish kang loko ka kasi… kasi… kasi… kasi…- sa palagay ko hindi ka selfish, so erase natin yang linyang yan. Eto na lang - ampanget panget mo, kaya hindi ka magustuhan ni JOE JONAS (ng Jonas Brothers) kahit ipagpilitan mo ang sarili mo, sorry na lang wala talaga, youre so busted.. Hmmp, sabay ismid sa salamin. Syempre ayaw natin ng mga away, away, world peace and love everyone kaya ang slogan natin. So tinitigan ko mabuti muli ang tao sa harap ko, sa kabila ng namumugto nyang mata, at habang inaaninag ko ang kanyang kaluluwa, masaya siya, dahil kapalit ng lahat ng sakripisyo, lahat ng luha… kapalit ng mga namatay kong kuko sa paa at ng mga sugat sa puso, may buhay na nadudugtungan, may nabibigyan ng pag-asa, may mga napapasaya… Gagawin ko naman lahat eh, aakuin ko lahat ng sakit at paghihirap, ibibigay ko lahat, pero tao lang ako, may hangganan din.
Dati nag eexpect ako na may magbibigay din sa akin, ng pagmamahal, siguro mayroon, bukod sa pamilya syempre-given na kaya yon, mayroon siguro, hindi ko lang maramdaman, kaya itinigil ko nang mag expect. Mukhang tumatalab naman ang orasyon ko habang hinihilod ko ang mga bakokang at mga freckles ko sa katawan pag naliligo, na maalis ang damdaming nagpapahirap sa akin, mahirap matanggal, pero slowly but surely... siguro dadagdagan ko pa ng scented candles and banyo.
Pero sa kabila ng lahat ng napagdaanan ko dati, sa kabila ng mga sandamakmak na iniluha ko dito sa Ibayong dagat, sa Yellow Cab, Galleria at Mcdonalds, Town Center. Marami akong natutunan, marami rin siguro akong napatunayan, sa aking pamilya, sa mga kaibigan at higit sa lahat sa aking sarili.
Sabi nga ng kanta:
“What matters most is that you love at all…”
---
Lord God,
Salamat po ng bonggang bongga kasi binigyan Nyo po ako ng malakas na katawan, maunawaing pag-iisip at mapagmahal na puso. Napakasobra napo kung hihiling pa ako kasi sobra sobra na ang naibigay Nyong biyaya sa akin at sa aking mga mahal sa buhay, pero sana po Lord bigyan Nyo po ng malalakas na katawan at pag-iisip ang mga mahal ko sa buhay. Thank you po sa lahat lahat lahat ng naibigay Niyo po sa akin. Lahat po ng ito ay para sa Inyo Lord.
---