Payong


Mataas ang sikat ng araw, ngunit ang init na dulot nitoy nakakapagpalubag loob sa aking pusong nanlalamig. Sa panahon ng tag-araw dumating ka sa aking buhay, una pa lamang kitang nakita kakaibang init na kagad ang naramdaman ko, mas matindi pa ang dulot nito kaysa sa ligayang dulot ng haring araw, mas maningning pa ang kinang ng iyong presensya kaysa sa pilak sa gitna ng arawan. Saya ng dulot ng tag-araw, hindi kinakailngang magbilad sa sikat ng araw, maraming puno ang magkakanlong sa atin, habang ngiti at tawa mo ang aking lagging pinagmamasdan. Sa tag-araw natin nakita ang ligaya ng buhay, at noon ko napagtanto na ikaw na nga ang nais kong kasukob sa papalapit na unos.

Dumating ang tag ulan, magkasama pa rin tayo. Pilit ko mang iwaksi ang damdamin ko sa iyo, mukhang tuluyan na akong nahulog sa iyo, hindi ito mapipigilan tulad ng ulan sa kanyang pagpatak sa uhaw na lupa. Pilit ko mang pigilin ito, ngunit ang tangi ko lang magagawa ay pagmasdan ang mala-likidong diamante na pumapatak… isa, dalawa, hanggang laksa laksang tumulo, para bang lumuluha ang langit. Lumalakas ang buhos ng ulan, nakatago na rin ang haring araw. Pinangako ko sa iyo na palagi kitang dadamayan sa lahat, iyon ang pangakong aking tutuparin. Nababasa ka na ng ulan. Nilapitan kita at pinasukob sa aking payong, ngumiti ka…
"Sukob na, Halika na
Sabay tayo sa PAYONG ko,
Yakap ka, kapit pa
Umulat Bumagyo,
magkasama tayong Dalawa..."

Kasukob kita sa aking payong, nililingon kita sa bawat saglit upang matiyak na hindi ka nababasa ng ulan. Sa liit ng payong ko, natutuwa ako at nagpupumilit tayong manatiling tuyo sa gitna ng bugso ng panahon… Ngunit mukhang lumalakas ang hangin pinilit kong igawi sa iyong bahagi ang kabuuan ng payong, di baleng nababasa ako ng ulan bastat nakikita kitang tuyo at ligtas, maligaya at umiibig. malamig na pakiramdam ang dulot ng malungkot na ulan... Tila may hinahanap ka sa malayong dako, hindi mo nakikitang nababasa na ako, pero wala yun sa akin, hindi mo man ako nililingon, masaya ako at kahit ilang saglit ay nakasama kita. Sa anino ng iyong mga mata, napagtanto kong siya pa rin pala talaga ang mahal mo.

Dumating na ang hinihintay mo, at nasa kabilang kalye sya, hinihintay ka… Sinabi ko sa iyong OK lang… Tinawid mo ang kalsada at dala dala ang payong ko, sa iyo naman talaga yan eh, simula pa lang, sa iyo ko na inialay ang napakahalagang bagay na iyan. Basa na ako sa ulan, nilingon mo ako at nakitang nakatingala, nginitian kita at sinabing “mag-ingat kayong dalawa, huwag kang mag-alala sa akin”, kasunod ang isang ngiti… Nakita mo kaya na sa kabila ng ngiting iyon, tumutulo ang luha ko sa gitna ng ulang pumapatak sa aking mukha?

3 comments:

aw... ang sad naman nito. smile smile!

 

Tumingin ka lang sa paligid, mayroon dun nakaabang na taong magpapayong sa iyo. :)

 

DN. salamat sa comment. yeah im smiling na! hehe

Mugen. i hope so... the thing is, hindi naman ako nawawalan ng pag asa, salamat po. see you soon!

 

Post a Comment